Today's Verse
" Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang kalooban."
-Colosas 3:21
Madalas mangyari, lalo na kung matigas ang ulo ng bata, humahantong sa pambubugbog ang galit ng isang ama. Ito ay dahil sa may problema ang ama at nasabayan pa ng kakulitan ng anak. O kaya naman, lasing ang ama at hindi nasunod ang kanyang gustong mangyari.Hindi lang para sa mga ama ang mensaheng ito, ganoon din sa mga ina.
Bakit may mga panahong humahantong sa mga ganitong pangyayari? Una, wala sa kanila ang Panginoong Hesus, wala sa kanila ang tinatawag na Prince of Peace na maaaring makapag bigay sa kanila ng kapayapaan. pangalawa, hindi nila nababasa ang mga tagubilin ng panginoon. Kaya't mahalaga sa isang pamilya ang nag-aaral ng salita ng Diyos.
Mga magulang, kung mahal ninyo ang inyong mga anak, huwag ninyong hayaang kayo pa ang maging dahilan ng panghihina ng kalooban ng inyong mga anak na posibleng humantong sa hindi maganda. Nandyan ang paghahanap nila ng kakampi na karaniwang nasusumpungan nila sa mga hindi tamang barkada, pagkawala sa sariling kaisipan, at minsan naman ay humahantong sa pagpapakamatay. Ang mga ito ay nagaganap sa totoong buhay kaya't huwag ipawalang-bahala. Huwag n'yong iisiping kilala nyo ang ugali ng inyong mga anak, marami ng nabiktima ang salitang DEPRESSION.
Kung nahihirapan kayong magtimpi, ipagdasal nyo sa Diyos na baguhin ang inyong puso. Hindi masama ang mangaral sa anak, huwag lang labis.
0 Comments