About Me

header ads

Mga Tagapaglingkod Sa Iglesya

1 Timoteo Chapter 3-4

Today's Verse

     "Kailangan namang ang mga magiging tagapaglingkod sa iglesya ay mararangal, tapat mangusap, hindi sugapa sa alak at hindi sakim. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinahayag at walang dapat ikahiya. Kailangang subukin muna sila at makitang marapat bago gawing tagapaglingkod. Kailangang ang kanilang mga asawa ay matitino, o hindi mapanirang puri kundi mabait, at tapat sa lahat ng bagay. Kailangan ding isa lang ang asawa ng isang tagapaglingkod sa iglesya, maayos siyang mamahala sa sariling sambahayan at mabuting magpasunod sa kanyang mga anak. Ang tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay igagalang ng lahat, at buong tapang nilang maipahahayag ang pananampalatayang napasaatin dahil sa ating pakikipag-kaisa kay Cristo-Jesus."

                                                              - 1 Timoteo 3:8-13




     Marami ang naglilingkod na taliwas sa mga paalala ni Pablo. May mga tumatayo sa pulpito at nangangaral ng salita ng Diyos, ngunit sa kabila nito kapag sinaliksik mo ang kanilang mga pribadong buhay, malalaman mong hindi pala maayos ang pagsasama nilang mag-asawa. Minsan naman, mababalitaan mo, dalawa pala ang asawa. Kung ganito ang iyong sitwasyon, karapat-dapat ka bang manguna o maging lingkod ng Diyos?


     At kahit na nalalaman nila na mali na ang kanilang mga ginagawa, patuloy pa din sila sa kasalanan. Bakit may mga ganitong lingkod? Dahil hindi sila dumaan sa mga pagsubok, pagsubok na huhubog sa kanilang pagkatao at pananampalataya. Sabi nga sa talata, " Kailangang subukin muna sila at makitang marapat bago gawing tagapaglingkod."

     At hindi lang pala ang mismong lingkod ang magpapakita ng kabutihan kundi pati ang kanyang asawa. May mga nangangaral na napakabait pero tigre naman ang asawa. Ito ba ay pananagutan din ng lingkod? Syempre! Sabi nga "kailangang ang kanilang mga asawa ay matitino at hindi mapanirang puri. At sabi, "maayos siyang mamahala sa sariling sambahayan." Paano ka mamamahala ng sambahayan kung hindi mo kontrolado lahat? At paano ka igagalang ng lahat kung makikita nila na kahit ang asawa mo eh hindi mo kayang pamahalaan?

     Nangyayari ang mga bagay na ito dahil sa kakulangan natin sa presensya at salita ng Diyos. Pumapasok si satanas at ginagamit ang mga lingkod upang wasakin ang Iglesya ng Diyos. Huwag nating hayaan na tayong mga lingkod sa Iglesya ay wasakin ni satanas.

     Kaya't ang mga lingkod ay dapat na laging handa, puspos ng salita ng Diyos. Tandaan natin, sa labanan, ang taong walang sandata ay madaling malupig.

Post a Comment

0 Comments